Isa ito sa mga articles na nakuha ko sa 70s Bistro Bar, nostalgic ang mga linya, siguro dahil dama ng may-akda ang ganda ng nakaraan niya.. Pero malungkot ang wakas, o sana di pa talaga ito ang wakas.
FROM A DISTANCEBuhay pa pala ang Bistro 70s
Jose Torres Jr / MindaNews / 27 July 2002
LUNGSOD NG QUEZON — Napasyal ako nitong Huwebes sa Bistro 70s, ang maliit na tambayan ng mga “baliw” sa kalye Anonas sa Lungsod Quezon.
“Buhay pa pala ito,” sabi ko sa sarili.
Buhay pa pala ang lugar na pinaghubugan ko noon ang mga pangarap — magsulat, tumula, mamundok, makibaka at umibig — habang tumutungga ng malamig na serbesa at nakikinig ng mga awitin ng Grupong Pendong at The Jerks.
Buhay pa pala ang Bistro 70s, saksi ng mga lambingan at tampuhan ng mga aktibistang karamihan galing Minda, debate ng mga kadreng napasyal sa siyudad, protesta laban sa pamahalaan at hatian sa kilusang komunista mahigit sampung taon na ang nakalilipas.
Matagal na rin pala akong ‘di napasyal sa Bistro 70s, kasing tagal na yata mula nang huli akong magsulat sa wikang pambansa at sumubok na maghabi ng mga salita.
Napasyal ako sa Bistro 70s nitong Huwebes at muling nanariwa sa isipan ang mga nakaraan, ang panahon ng mga pag-aalinlangan, pagbabakasakali at paglalakas-loob. Muling nanariwa ang mga huntahan, mga debate at paglalagom.
Mga bata na ang mga mang-aawit na nakita ko nitong Huwebes sa Bistro 70s. ‘Di ko na nakita sila Pendong Aban at asawang si Chat na silang boses ng Grupong Pendong. Wala rin si Noel Cabangon. Nandoon si Bayang Barrios pero nakaupo na lang sa gilid kasama ang pintor na si Boy Dominguez. Marami na ang mga bagong mukha. Tila marami na rin ang nawawala sa mga luma.
Habang tumutungga ng serbesa at pinupulutan ang saliw ng mga makabagong awitin ng Session Road, nakita ko ang dalawang dating kasama — isang dating mataas na kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Visayas at isang dating mataas na opisyal ng Christians for National Liberation ng National Democratic Front. Pareho na silang umalis sa kilusan, naging presidente ng isang unibersidad ang paring si Toots at “racketeer” naman daw si Lito ngayon.
At sabi nga ng kanta, “We talked about the revolution.” Pinag-usapan namin ang kilusan na minsan naming hinandugan ng panahon at talino, sa kaunting mayroon kami noon. Ginunita ni Lito ang pagkilos niya noon sa kanayunan. Si Toots naman ang pag-organisa niya noon sa mga lugar ng mahihirap sa Kamaynilaan. Tila walang katapusan ang kwentuhan, hanggang magtanong ako kung nabasa na ba nila ang aklat ni Bobby Garcia, isa pang dating kasama.
Lumungkot ang mukha ng dalawa.
“Nagkamali tayo,” sabi ni Toots.
“Pero tama naman ang feeling natin sa ginawa natin noon, di ba?” sagot naman ni Lito.
“Wala tayong ipinagkaiba sa mamang namugot ng ulo dahil tinakot ng Abu Sayyaf,” dagdag ko naman.
Malungkot ang librong “To Suffer Thy Comrades” ni Robert Francis Garcia o Bobby sa kanyang mga kakilala. Tungkol ito sa pagpupurga ng kilusang komunista noong dekada 80.
Inakala ng pamunuang rebelde noon na malalim na ang impiltrasyon na nagawa ng militar sa kilusan Nagdesisyun itong maglinis ng hanay. Marami ang nabiktima. Marami ang namatay. Marami ang napahiya at tila marami na rin ang nakalimot.
Salamat sa serbesa at tugtugin ng mga bata, nanumbalik ang mga gunita.
Buhay pa pala ang Bistro 70s at magsasampung taon na ito. Matagal na akong hindi nakabalik dito. Nang dumalaw akong nitong linggo, hindi ako nagulat dahil tila walang nagbago. Mainit pa rin ang mga awitin, madilim pa rin sa mga sulok, tumutumba-tumba pa rin ang mga mesa at upuan, mausok pa rin, kahit medyo lumuwang ng konti ang tanghalan, marami pa rin ang nananaginip na gising at, higit sa lahat, malamig pa rin ang beer.
Kung makakapagsalita lang sana ang dingding, kinantiyawan na sana kaming tatlo ni Toots at Lito. Sasabihin nito, “Hoy, ang tatanda n’yo na, ang senti n’yo pa rin!” At kung makakaluha lang sana ang kisame, ibinuhos na siguro nito sa amin ang mga dalamhati na nasaksihan nito sa mga babaeng napangakuhan, mga kasamang naiwanan at mga waiter na natakbuhan ng kostumer.
Madaling-araw na nang umalis kami sa Bistro, tahimik na ang gitara, wala ng tao sa kalsada at mainit na ang serbesa. Maghihiwalay na naman ng landas ang dating mga magkakasama. Kanya-kanyang abot na lang kami ng tarheta, tila ba may panahon pa sa iba’t ibang mundo naming na magkakatawagan pa.
Hanggang sa susunod na pagbisita sa Bistro 70s, sa tambayan ng mga “baliw.”
(Ang MindaViews ay ang seksyon sa opinyon ng MindaNews. Ang journalist na Si Jose Torres, Jr. ay taga-Mindanao pero nagtratrabaho ngayon sa Lungsod ng Quezon. Siya ang may-akda ng aklat na ‘Into the Mountain, Hostaged by the Abu Sayyaf.”)